Aklan News
1 SA MGA SUSPEK SA PAGBARIL-PATAY SA KAGAWAD NG TIBIAWAN, MAKATO, NAHULIHAN NG BARIL
Makato – Sasampahan ngayong araw ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act ang 1 sa mga suspek sa pagbaril-patay sa kagawad ng Tibiawan, Makato matapos mahulihan ng baril pasado alas 4:00 kahapon ng hapon sa nasabing lugar.
Kinilala ng Makato PNP ang suspek na si Richard Ortiz, 36 anyos ng Agbalogo, Makato.
Ayon sa Makato PNP, nakatanggap sila ng report mula sa Barangay Intelligence Network na may dalang baril ang suspek, kung kaya’t kaagad umano nila itong pinuntahan.
Paglapit ng mga pulis sa suspek, doon na rin umano nakita mula sa kanyang sling bag ang hawakan ng baril dahil hindi umano ito naisarang mabuti.
Kasunod nito, pinabuksan sa suspek ang sling bag at doon tumambad ang 1 caliber .38 baril, kung saan kaagad din umano itong umamin na walang lisensya ang dala niyang baril.
Kaagad siyang dinala sa presento pati na ang kanyang baril na may 5 bala, para sa karampatang disposisyon.
Samantala, napag-alaman din mula sa Makato PNP na naaresto at nasampahan na ng kaso si Ortiz dahil sa pagbaril-patay kay Kagawad Silverio Puod nitong nakaraang taon, subalit nauwi umano ito sa areglo.