Aklan News
13 bayan sa Aklan, may kaso na naman ng COVID-19


Muling nakapagtala ang Provincial Health Office (PHO) Aklan ng panibagong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 13 bayan sa Aklan ang may kaso ng nasabing virus.
Ayon kay Maria Elma Pendon, Disease Surveilance Officer ng PHO Aklan, may 25 active cases na sa Aklan batay sa kanilang datos mula Mayo 1 hanggang 14.
Apat dito ang bagong kaso, tatlo ang recoveries samantala may apat na ang naitalang namatay.
Aniya pa, 16 dito ay nasa ospital, walo ang naka-home quarantine at isa naman ang nasa facility quarantine.
Ang mga bayan sa Aklan na may kaso ng COVID-19 ay ang Kalibo (3), Ibajay (3), Makato (2), Nabas (2), Tangalan (1), Batan (1), Malinao (1), Madalag (2), Banga (3), Numancia (2), Balete (2), Altavas (2) at Lezo (1).
Napag-alaman na ang pinakabatang tinamaan ng nasabing virus ay 1 month old samantalang 93 years old naman ang pinakamatanda.
Kaugnay nito, nagpapatuloy ang monitoring ng PHO-Aklan dahil karamihan sa mga tinatamaan ng nasabing sakit ay mga may sintomas at may mababang CT value.
Pahayag pa ni Pendon, biglang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan dahil sa mga naglalabasang variant gaya ng XBB.1.16 na ang mabilis ang transmission kung saan hindi pa matukoy sa ngayong kung kaya itong malabanan ng bakuna.
Paalala naman nito sa publiko na panatilihin ang pagsusuot ng facemask at kung maaari, kapag may mga nararamdaman ng sintomas ay huwag na munang pumasok sa trabaho o paaralan upang maiwasan ang pagkalat ng virus.