Aklan News
15 kandidato para sa BSKE nakapagparehistro na sa BIR
Nasa 15 kandidato na para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 ang nakapagparehistro na sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ito ang kinumpirma na Mr. Jojit Paderes ng BIR-Aklan sa panayam ng Radyo Todo.
Ang nasabing bilang ayon kay Paderes ay mula sa bayan ng Kalibo.
Pahayag pa ni Paderes, hinihintay pa nilang makapagsumite ang mga revenue officers mula sa iba pang mga bayan sa Aklan.
Ang pagpaparehistro ng mga kandidato sa BIR ay isa sa kanilang mga obligasyon ngayong halalan.
Paliwanag pa ng opisyal na ito ay isang regulasyon sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular 22-2022 kung saan nag-uutos na ang lahat ng mga kandidatong nagsumite ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) sa Comelec ay obligadong magparehistro.
“Actually daya nga regulation ngara hay nag-umpisa sa Revenue Memorandum Circular 22-2022 nga naga-state o naga-mandate nga tanan nga nagfile it candidacy sa aton nga Comelec hay obligado man nga mag-register sa BIR,” pahayag nito.
Sa mga magpaparehistro, maaaring i-download ang Form 1901 o registration form sa website ng BIR.
Kailangan lamang ng isang government ID, ang itinakdang registration fee at kopya ng kanilang COC mula sa Comelec.
Samantala, hiniling naman ng BIR sa mga kandidato na magparehistro na bago magsimula ang campaign period sa Oktubre 19 hanggang Oktubre 28, 2023.