Aklan News
16 trabahador na pinabayaan ng contractor, inayudahan
Nagpadala ng tulong si Kalibo Mayor Juris Sucro sa 16 na trabahador na inabandona ng kanilang contractor sa bayan ng Banga.
Nakarating sa alkalde ng Kalibo ang sitwasyon mga pinabayaang manggagawa ng GEDN OSP Designs and Services na humihingi ng tulong dahil halos wala na silang makain.
Nabatid na galing pa ang mga ito sa Bulacan at Laguna na pinangakuan ng malaking sweldo at allowance na hindi naman natupad.
Salaysay ng foreman na si Eric Labajo sa Radyo Todo, hindi na nila mahagilap ang contractor at mag-iisang buwan na silang nagtitiis dahil wala ng pera.
“Inabandona na po kami ng aming contractor, [GEDN OSP Designs and Services]. Galing po kaming Bulacan, naghanap po sila ng sub-contractor, bale para may maipakita po sila na meron po silang mga tauhan dito sa Kalibo, Aklan. Bale kami po, kinausap po nila tungkol sa pangongontrata. Eh yung nangyari po, inamin po talaga namin ‘yung side namin na talagang wala po kaming kakayahan na matugunan po lahat po nang pangangailangan sa loob po ng ilang buwan, lalong-lalo na po sa salary ng mga tao,” saad ni Labajo.
“Talagang pinabayaan na po talaga kami. Halos saging nalang ang kinakain namin. Naliligo po kami na halos wala na po kaming ginagamit na sabon,” dagdag pa nito.
Hiling nila na sana ay makausap nila ang kumpanya at makauwi na sa kanilang lugar.