Aklan News
1st Fishtival sa Aklan, umarangkada na sa Aklan Agri-Aqua Demo Farm and Ttraining Center
UMARANGKADA na ngayong araw ang kauna-unahang Fishtival sa Aklan Agri-Aqua Demonstration Farm and Training Center (AAADFTC) sa Brgy. Nalook, Kalibo.
Ayon kay Aklan Agri-Aqua Demonstration Farm and Training Center (AAADFTC) head Emmanuel Soviet Dela Cruz, unti-unti na nilang ipinapresinta sa tao ang Aklan Agri-Aqua demo farm sa publiko na inumpisahan pa sa termino ni dating Aklan Governor Florencio Miraflores.
Layunin raw nito na maibahagi ang mga bagong teknolohiya at bagong sistema sa pagtatanim at ang maging laboratoryo ng mga estudyante na kumukuha ng agricultural strand sa K12 at kursong agriculture sa ASU.
Magsisilbi umano itong study area ng mga estudyanteng interesado sa agriculture.
Aniya pa, ang weeklong celebration na ito ay para sa fishery section kung saan magtuturo sila ng bangus deboning, paano gumawa ng smoked bangus o smoked fish, pag-breed ng hito, tilapia, lectures tungkol sa basic aquascaping at aquaponics, paggawa ng aquarium at iba pa.
Ang aktibidad na ito ay bahagi rin ng food security program ng Aklan Provincial Government.
Magtatagal ang nasabing Fishtival hanggang Nobyembre 17, 2023.