Aklan News
2 driver at 1 angkas, sugatan sa salpukan ng dalawang motorsiklo
Kapwa sugatan ang driver at isang angkas ng dalawang motorsiklo na nagsalpukan kagabi sa bahagi ng Crossing Banga-New Washington sa bayan ng Kalibo.
Batay sa imbestigasyon ng Kalibo Pnp, liliko na sana ang motor na Mio patungong Toting Reyes St. nang sakto namang dumeretso ang isa pang motor na minamaneho ng isang nakainom na driver mula sa kabilang direksyon.
Dahil dito, nagsalpukan ang dalawa at natumba ang parehong mga motorsiklo.
Sa lakas ng pagkakabangga, sugat sa kamay, baba, at bibig ang tinamo ng driver ng Mio habang ang angkas naman nito ay nagtamo naman ng bali sa paa na parehong dinala sa isang pribadong ospital.
Tumanggi namang magpadala sa ospital ang driver ng motor matapos na magtamo rin ng mga sugat sa katawan.
Samantala, dahil nakainom ang nakabanggaan nilang driver ay pansamantala muna itong ikinustodiya sa Kalibo Municipal Police Station.