Aklan News
2 KOREAN NATIONALS AT 12 MENOR DE EDAD, DINAMPOT SA ISANG MASS GATHERING
Napasugod ang mga tauhan ng Kalibo PNP matapos matunugan na may nagaganap na mass gathering sa loob ng Muriah Mission Church sa Brgy. Bachao Sur, Kalibo, Aklan, Linggo ng hapon.
Naabutan ng mga pulis ang dalawang Korean missionaries na sina Seung Hee Eum, 66 anyos at Kim Myung Wook, 51 anyos; Julius Saradolla, nasa legal na edad at labindalawang (12) menor de edad na nagsasagawa ng isang mass gathering na mahigpit na ipinagbabawal ngayong may pandemya.
Sa imbestigasyon, lumalabas na hindi pa sumusunod sa social distancing ang mga ito at gumagawa ng ingay na nakakaistorbo sa mga residente sa paligid.
Nakipagsagutan pa ang mga ito ng pagsabihan ng mga pulis ukol sa kanilang paglabag sa Sec. 8 ng Executive Order No. 005-C Series of 2021.
Dahil dito, dinala sila sa istasyon ng Kalibo PNP kung saan humingi ng patawad ang mga ito at nangakong hindi na uulit.
Pinagmulta naman ang mga ito at saka agad na ipinalabas.