Aklan News
2 magkapatid na Aklanon athlete, wagi ng ginto at pilak sa Indonesian Int’l Virtual Pencak Silat Tournament
NASUNGKIT ng dalawang magkapatid na atleta mula sa Aklan ang dalawang ginto at isang pilak na medalya sa ginanap na Indonesia Open International Virtual Pencak Silat Tournament nitong August 15-17.
Dalawang linggo lang ang naging paghahanda ng magkapatid na sina Djiedan Carlos Dalisay-Coching at Danyella Reiyn Dalisay-Coching para sa nasabing patimpalak.
Nakamit ng 12 anyos na si Djiedan ang ginto sa Tunggal Jurus (Solo Artistic) at Beregu (Trio Artistic). Nasungkit naman ng 8 anyos na si Danyella ang pilak sa Tunggal Jurus (Solo Artistic) Early Age Category.
Ayon sa kanilang ina na si Myrene Dalisay Coching, nagsimulang sumali at magtraining sa Pencak Silat si Djiedan noong 2018 sa edad na 10 at si Danyella naman ay nagsimula Abril nitong nakaraang taon sa edad na 7.
Nasungkit din ng Philippine Lightning Speed Pencak Silat Aklan Team ang ikatlong pwesto sa Indonesia Open International Virtual Pencak Silat championship nang makolekta ang kabuuang 12 golds, 6 silvers at 2 bronze.
Ang nasabing kompetisyon ay ginanap ‘virtually’ at nilahokan ng mahigit 500 atleta.