Aklan News
2 MANGINGISDA TINAMAAN NG KIDLAT, 1 PATAY
Altavas-Isa ang patay sa dalawang mangingisdang tinamaan umano ng kidlat sa kasagsagan ng ulan dakong alas 11:00 kagabi sa Sitio Guisi, Odiong, Altavas.
Nakilala ang namatay na si Rizalito Pador, 54 anyos, habang hindi naman nakilala pa ang kanyang mga kasama.
Base sa inisyal na ulat, nasa laot umano ang mga biktima nang mangyari ang insidente, habang kumakain sa loob ng sinilungang kubo si Rizalito.
Katabi umano nito doon ang isang kasama habang nasa tubig naman ang isa nitong kasama nang biglang kumidlat.
Kasunod nito, tinamaan at nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan si Rizalito na tumilapon umano sa tubig, habang hindi naman napuruhan ang kanyang katabi.
Natagalan pa umano sa paghahanap ang kanyang mga kasama bago nila ito dinala sa fish landing area bago makahingi ng saklolo sa mga otoridad.
Kasalukuyan namang nasa isang punerarya sa Altavas ang labi ni Rizalito, habang nakauwi na sa kani-kanilang bahay ang kanyang mga kasama.