Aklan News
2 pampasaherong bus nasangkot sa aksidente, 91 pasahero ligtas
Nasangkot sa aksidente ang dalawang pampasaherong bus na may 91 pasahero kahapon sa may diversion road ng Brgy. Tondog, Tangalan.
Ayon kay PMSgt. Peril Antaran ng Tangalan PNP, nakahambalang na sa kalsada ang bus na ALPS habang ang Alabang Transport Service Cooperative (TSC) ay nasa palayan nang magresponde sila sa lugar.
Sakay ng ALPS ang 42 pasahero na minamaneho ni Michael Lomugdang ng San Jose, Antique habang 49 naman na pasahero ang sakay ng Alabang TSC na minamaneho naman ni Bonifacio Gaurana ng Las Piñas City.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na parehong papuntang Caticlan ang dalawang bus.
Pagdating sa lugar ay nag-slow down ang ALPS para sana lumiko sa diversion road ngunit hindi alam ng driver ng kasunod nitong Alabang Transport na mayroong iba pang daan doon kaya ito nag-overtake.
Pero dahil sa bilis ng takbo ng Alabang Transport ay naabot nito ang ALPS.
Dahil dito, basag ang salamin ng tatlong bintana ng ALPS habang lumampas naman sa barrier at dumiretso sa palayan ang Alabang TSC.
Maswerte naman at walang nagtamo ng mga malubhang sugat sa aksidente habang ang iba ay binigyan ng first aid matapos talsikan ng mga bubog.
Nagkaareglo naman ang magkabilang panig at nangako ang Alabang Transport na babayaran ang danyos na dulot ng aksidente.