Connect with us

Aklan News

2 TURISTA, NATAGPUANG NAKAHANDUSAY AT PATAY SA ISANG RESORT SA BORACAY

Published

on

Natagpuang nakahandusay at wala ng buhay ang dalawang turista sa isang resort sa Brgy. Balabag, Boracay Island.

Kinilala ang mga biktimang sina Dennis Yu Villaluz, 44 anyos ng San Mateo Rizal at Maria Cecilia Jellicode, isang Australian citizen, 44 anyos na taga Metro Manila.

Sa panayam ng Radyo Todo kay Malay PNP chief PLTCOL Don Dicksie De Dios, sinabi nitong March 13 pa dumating sa isla ang dalawa at kahapon, March 21 sana nakatakdang magcheck-out sa hotel pero nang puntahan ng hotel staff ang kuwarto para i-check ay tumambad dito ang patay na katawan ng dalawa.

Ayon pa sa hepe, halos magkatabi ang katawan ng dalawa at mayroong sugat ang lalaking turista.

Wala rin aniyang narinig na kalabog o sigawan ang mga staff ng resort bago natagpuan ang walang buhay na katawan ng dalawa gayundin ang mga palatandaan ng forced entry.

Inaalam na rin ng Malay PNP kung ano ang relasyon ng mga biktima at nakikipag-ugnayan na sa kani-kanilang pamilya.

Batay sa CCTV Footage ng hotel na kuha noong March 19 ay maayos pang pumasok ang dalawa sa loob ng kanilang kuwarto.

Idiniin rin ni De Dios na ligtas ang isla ng Boracay at wala pa silang nakikitang foul play sa insidente sa ngayon habang nagpapatuloy pa ang masinsinang imbestigasyon hinggil sa insidente.