Connect with us

Aklan News

21 ANYOS NA BINATA, PATAY MATAPOS SAKSAKIN NG LASING NA TIYUHIN

Published

on

Hindi na nakaabot ng buhay sa ospital ang isang 21-anyos na binata matapos masaksak ng kanyang mismong tiyuhin kagabi sa Brgy. Tigayon Kalibo.

Kinilala ang biktimang si Christian Tuban, 21 anyos, Sitio San Roque, Purok 6, Brgy. Tigayon, Kalibo.

Ayon sa Kalibo PNP, nakatanggap sila ng tawag dakong alas-11:40 kagabi na may nangyaring pananaksak sa lugar.

Lumalabas sa imbestigasyon ng kapulisan na narinig ng biktima na nagsisigaw ang lasing na suspek na si Hazel Navarette Diangson sa labas ng kanilang bahay kaya ito lumabas.

Batay sa isa mga nakasaksi na si Ryan Rada, nakita niya na magkasama ang suspek at biktima na parang may pinag-aawayan at maya-maya nakarinig na ito na may sumigaw na humihingi ng tulong kaya pinuntahan niya ito at doon nakita ang nakahandusay na biktima sa kalsada.

Ayon naman sa ina ng biktima na si Melanie Tuban, narinig niya ang boses ng anak na humihingi ng saklolo kaya agad niya itong pinuntahan.

Sa kabila ng tinamong sugat, nagawa pa ng biktima na maisumbong sa kanyang ina na si Hazel ang sumaksak sa kanya.

Mabilis na dinala ang biktima sa Panay Health Care Hospital pero idineklara itong dead-on-arrival.

Samantala, sinubukan pang tumakas ng suspek pero nahuli rin ito ng mga kapulisan.

Desidido naman ang pamilya ng biktima na sampahan ng kaso ang suspek.