Aklan News
21 DELTA VARIANT NG COVID-19 SA AKLAN, 20 FULLY RECOVERED, 1 ANG NAMATAY
Fully recovered na ang 20 sa 21 na infect ng Delta variant ng CoViD-19 sa Aklan. Ito ang kinumpirma ni Dr. Cornelio “Bong” Cuachon, hepe ng Aklan Provincial Health Office sa ekskusibong panayam ng Radyo Todo.
Ayon kay Cuachon, kabuuang 58 specimen ang pinadala nila sa DOH 6 noong huling linggo ng Hulyo at unang linggo nitong Agosto kung saan ipinadala naman ito ng kagawaran sa Philippine Genome Center.
At kanina kinumpirma ng PGC ang 21 kaso ng Delta variant sa probinsya.
Isa dito ang namatay, ang 89 anyos na taga Nabas na may comorbidities.
Nagri-range mula 1-92 taong gulang ang mga naging infected nito na kinabibilangan ng 11 babae at 10 lalaki.
Dagdag ni Cuachon, ika-quarantine ulit ang 20 infected ng Delta para i subject sa repeat RT PCR test. Kaagad naman na idischarge ang may negatibong resulta samantala ia-assess naman ng infectious disease specialist ang mga magpopositibo sa pamamagitan ng cycle threshold value kung nakakahawa pa ba ito.
Malaki rin ang pasalamat ni Cuachon sa WVMC-SNL matapos na ire-route ng probinsya ang ibang specimen dito dahil sa hindi na makayanang ma cater lahat ng molecular laboratory para isailalim sa test. Ito ay matapos na lumalampas na sa kapasidad ng molecular lab ang mga specimen na kailangang itest dahil sa pag surge ng kaso ng COVID-19 sa probinsya noong nakaraang buwan ng Hulyo hanggang kalagitnaan nitong Agosto.
Ipinahayag din niya na kasabay ng pagdami ng kaso ng CoVid sa Aklan ay ang pagdami din ng mga namatay dito na halos may mga comorbidities. Dahil sa huli na rin umano ang mga itong ina-admit sa ospital kung saan malala na ang sitwasyon.
Dagdag ni Cuachon, bago pa man lumabas ang resulta mula sa PGC may duda na rin sila na Delta variant na ang umaatake sa probinsya dahil sa biglang pagdami ng kaso at halos karamihan ay magpapamilya ngunit kailangan umano ang kumpirmasyon mula sa PGC.
Sa ngayon, wala pa umanong naka pending na batch ng specimen ang probinsya para sa genome sequencing pero may advice na rin umano ito na halimbawa may maipon na specimen na pasok sa criteria para sa full genome sequencing ay agad na ipadala. Klinaro rin nito na ang mga molecular lab ang siyang nagdidetermina sa mga specimen kung pasok ito sa criteria na ipapadala sa PGC.
Maliban sa Delta variant, nauna ng na detect sa Aklan ang mga variants ng Beta, Alpha at P.3 (theta) ng CoViD-19.
Nagpaalala naman ang PHO na kailangan pa rin na istriktuhan ang mga border control points, magsagawa ng localized, surgical o granular lockdowns sa mga lugar na may mataas na kaso ng virus. Pinalakas na rin umano nila ang healthcare capacity, dapat pa ring palakasin ang PDITR (Prevention, Detection, Isolation, Treatment, Reintegration) sa mga LGUs, striktong pagsunod sa ating minimum health standards at higit sa lahat magpabakuna na siyang pinaka epektibo na panangga sa Delta variant ng CoViD-19.
ON RISK CLASSIFICATION STATUS
Sa isinagawang weekly meeting kanina ng Prov’l IATF, ipinahayag ni Dr. Cuachon na napag-usapan ang estado ng CoViD-19 cases ng probinsya kung saan magiging basehan sa magiging quarantine classification ng probinsya sa susunod na buwan.
Subalit, kung pagbabasehan umano ang 2 week growth rate at daily average rate ng probinsya ay mapapansin ang pagbaba ng positivity rate habang ang Health Care Utilization Rate (HCUR) naman ay nasa low risk, kung susumahin nasa moderate risk status ang probinsya sa ngayon na maaring irekomenda para sa GCQ status subalit mas maigi umano na antayin ang Aug. 31 kung saan ang National IATF naman ang mag-aanunsyo ng mga quarantine classifications sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
DELTA VARIANT IN AKLAN
Sa ipinalabas na data ng PGC, ang mga bayan sa Aklan na may Delta variant:
Kalibo – 5
Numancia -3
Banga – 2
Ibajay -2
New Washington -2
Malinao -2
Madalag – 2
Nabas – 1
Tangalan -1
Makato -1
Nakipag-ugnayan na ang Aklan PHO sa mga Local Government Units na nakapagtala ng delta variant para sa back at contact tracing mula 1st-3rd generation contacts.