Connect with us

Aklan News

26 KATAO, HAHARAP SA PATONG-PATONG NA KASO KAUGNAY SA MAANOMALYANG KONTRATA SA BASURA SA BORACAY

Published

on

Kalibo – Nahaharap sa patong-patong na kaso ang 26 katao kabilang ang mga dati at bagong halal na opisyal ng Malay dahil sa maanolmalyang kontrata ng ECOS at munisipalidad ng Malay.

Mga kasong pandarambog, korapsyon at kasong paglabag sa environmental laws ang isinampa sa opisina ng Ombudsman-Visayas ni Noel Cabobos, isang mamahayag na naka base sa Boracay noong Martes, ika-4 ng Pebrero.

Nag-ugat ang reklamo sa pag-apruba ng Public-Private Partnership (PPP) ng munisipalidad ng Malay at ECOS Sanitary Landfill and Waste Management Corporation (ECOS) para sa pangangasiwaan ang paghahakot ngbasura sa Boracay at operasyon ng Malay sanitary landfill sa mainland.

Iginiit ni Cabobos na walang bisa ang PPP contract dahil marami itong nakitang mali sa kontrata.

“First and foremost, said contract is peppered with defects and onerous provisions that go against the law and the interest of the government and the people of Malay. The Commission on Audit (COA) findings, for one, is a testimony that the very essence of a Public-Private Partnership has been twisted to suit their whims and caprices and with intent to gain,” paliwanag pa ni Cabobos.

Tinutukoy ng mamahayag ang COA Audit Report na inilabas noong Feb. 12, 2019 na nagsasabing nagbayad ang Malay ng halagang P51,713,780.72 sa ECOS para sa serbisyo nito mula November 2018 hanggang January 2019.

Nakasaad sa report ng COA, na dapat isinailalim ang kontrata sa R.A. 9184 o Government Procurement Act para naidaan sa tamang bidding dahil hiring of services ang klase ng transaksyon ng LGU at ECOS.

Ang adhikain ng PPP umano ay para mabawasan ang gastos at trabaho ng gobyerno sa isang programa o proyekto ngunit sa nangyari ay napalaki pa ang gastos ng LGU Malay at palpak pa rin ang programa sa basura.

Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ang dating alkalde ng Malay na si Ceciron Cawaling, dating vice mayor Abram Sualog, dating SB members Frolibar Bautista, Dante Pagsuguiron, Jupiter Aeldred Gallenero, Lloyd Maming, Maylynn Graf, Danilo Delos Santos, Julieta Aron, Natalie Paderes, at Dalidig Sumdad.

Kinasuhan rin ang acting vice mayor ngayon na si Niño Carlos Cawaling, mga bagong SB members na sina Nickie Cahilig, Junthir Flores, Ralf Tolosa, at Christine Hope Pagsuguiron dahil hinahayaan nilang magpatuloy ang kontrata.

Kasama rin sa kaso ang mga incorporator ng ECOS na sina Oliver Zamora, Richard Chan Lek, Miguel Anthony Tiu, Corazon Zamora, at Christine Aldeguer at iba pa dahil naging kasabwat sila rito.

Sangkot din sa reklamo sina Executive Assistant IV Edgardo Sancho, Municipal Legal Officer Melanio Prado, Jr. dahil sila ang magprepare ng kontrata at ang Municipal Treasurer na si Dediosa Dioso, Municipal Accountant Herminigildo Javier, Jr., at Municipal Budget Officer Anneli Sespeñe dahil sila ang nagbayad o nagpalabas ng pera ng munisipyo.

Sa ngayon ay mahigit 100 Million pesos na naman ang sinisingil ng ECOS sa LGU Malay habang puro reklamo sa masangsang at nakakasulasok na amoy ang pinararating ng mga taga Manocmanoc kung saan nakaimbak ang halo-halong basura.