Aklan News
28 baboy sa Baybay, Makato hindi ASF ang ikinamatay – MAO
NA-OVERDOSE sa gamot na Ivermectin kaya namatay ang 28 mga baboy sa Sitio, Hagakhak, barangay Baybay sa bayan ng Makato.
Ito ang paglilinaw ni Mr. Jim Espiritu, Municipal Agriculturist ng Makato kasunod ng mga lumalabas na haka-haka na mayroon nang kaso ng African Swine Fever o ASF sa kanilang bayan at ito ang ikinamatay ng mga baboy.
Aniya, ang totoong nangyari ay may isang farm sa nasabing lugar na nirentahan ng isang hog raiser at nilagyan ng 29 na mga alagang baboy noong Marso a-24.
May isang technician umano mula sa isang pribadong kompaniya ang nagrekomenda sa nasabing hog raiser ng gamot na Ivermectin para sa mga alaga nito.
Simula umano irekomenda sa kanya ang nasabing gamot ay na-oberbahan na niyang unti-unti humihina ang kanyang mga alagang baboy.
Nangyari ito bago pa pumutok ang balita ng ASF sa bayan ng Balete.
Batay sa kwento ng nasabing may-ari ng baboy, nagsimulang mamatay ang kanyang mga alaga noong Abril 2 hanggang 14.
Sa loob aniya ng dalawang linggo, hindi nagpakita ng sintomas ng ASF ang nasabing mga baboy.
Napag-alaman na dalawang beses pinupurga ng may-ari ang kanyang mga baboy dahil ito aniya ang sabi ng naturang technician ng isang pribadong kompaniya.
Pahayag naman ni Espiritu, isang beses lamang ang pagpupurga dapat ng mga baboy at hindi pwedeng araw-araw ang pagbibigay nito.
Dahil dito, apat na araw aniyang nagsi-seizure ang mga baboy hanggang sa nagkamatayan ang mga ito.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ngayon ng monitoring ang Municipal Agriculturist Office ng Makato sa iba pang mga alagang baboy na malapit sa lugar.
Hiniling din ni Espiritu sa publiko na huwag kaagad magpanic at magreport sa kanilang opisina upang mabigyan ng kaukulang aksyon.
Samantala, inihayag nito na maliban sa 28 mga baboy sa naturang farm, may isang inahing baboy ang namatay dahil sa overdue samantang may isa pang baboy na namatay rin dahil naman sa heat stroke at pawang hindi dahil sa ASF virus.