Aklan News
3 huling turbina ng Petrowind, nais ipa-relocate ng Nabaoy Defenders malayo sa watershed
Nais ng Nabaoy Environmental Defenders na i-relocate ng PetroWind Energy Inc. ang tatlong natitirang turbina ng Nabas Wind Power Project Phase 2 malayo sa Nabaoy watershed.
Sa ginanap na press conference pagkatapos ng committee hearing ng Sangguniang Panlalawigan kaugnay sa isyu, iginiit ng mga environmental defenders na binubuo ng mga environmental advocates, youth, barangay council at ilang residente ng Nabaoy na hindi sila titigil hanggat hindi pinapakinggan ang kanilang apela na ilipat ang tatlong natitirang turbina sa Phase 2.
Kinuwestyon ng Nabaoy Barangay Council kung bakit inaprubahan ang Corporate Social Responsibility (CSR) na umano’y walang basehan at hindi dumaan sa konsultasyon sa barangay at public hearing.
Idiniin nila na nagsisinungaling ang Petrowind dahil wala naman talagang nangyaring public hearing.
“Ang Petrowind hay nagapinuril, uwa sanda nag conduct it consultation or public hearing sa Barangay Nabaoy,” saad ng isa sa mga youth Nabaoy Defenders.
Ayon naman kay former SB member at Nabaoy Defender Christine Hope Pagsuguiron, maging pagdating sa economic gains ay talo pa rin ang Nabaoy dahil nasa P3.2 million kada taon lang ang CSR Project na malayo sa kasalukuyang kinikita ng Nabaoy na P692 million kada taon.
Ipinaliwanag rin niya na isa siya sa mga nag-endorse sa Phase 1 ng Petrowind Project noong 2021 dahil sa mga pangako ng Petrowind na sila ang magsusupply ng kuryente sa isla ng Boracay at Aklan at sa pagsiguro nila na hindi magiging impact site ng proyekto ang Nabaoy.
Pero ngayon lang 2023-2024, nadiskubre nila na maaapektuhan ng proyekto ang Nabaoy river at hindi rin nito maabot ng kuryente ang Boracay at Malay ayon sa Akelco at NGCP.
“Ro AKELCO ag NGCP sanda nagahambae nga that’s impossible nga maadto sa Malay, Boracay or even Aklan ro kueyente ni Petrowind, that’s a mere false information,” wika pa ni Pagsuguiron.