Aklan News
3 kaso ng pamemeke ng LTO license cards naitala ng LTO-Aklan
Kinumpirma ni LTO-Aklan Chief Engr. Marlon Velez na may mga motorista na nahuhuling gumagamit ng mga pekeng driver’s license card at mga papel na lisensya.
Ayon kay Velez, madali lang malaman kung peke ang gamit na lisensya ng isang motorista, katunayan aniya ay tatlo na ang nahuling gumagamit ng mga pekeng driver’s license cards sa Aklan.
Pero ayon kay Velez, biktima lang din ang mga nahuhuling driver.
Ang mga pekeng driver’s license raw kasi ay parang isang uri ng scam na nangyayari online.
Dito ay sinisingil nila ang biktima ng malaking halaga na umaabot sa P10,000 hanggang P12,000 kapalit ng mas mabilis na pagkuha ng driver’s license.
Lahat umano ng transaksyon dito ay nangyayari online kung saan hinigingan nila ang mga biktima ng mga ID at dokumento at ipinapadala na lang ng ang mga pekeng lisensya sa mga courier company.
“Ini nga mga drivers license cards, gintransaction nila online, may mga FB account ang ini nga mga tawo nga naga produce sang mga fake drivers license kag naga pang invite sa mga drivers nga mag-apply for a certain fee, then magtransaction sila online, gapangayo sila sang mga photocopy sa mga ID kag iban nga requirements and then ang payment is made online and then pag-release sang cards gina mail nila through courier services,” lahad nito.
Sinabi ni Velez na mayroong team ang Regional Office na nagsasagawa ng entrapment at nagpa-file ng kaso laban sa mga nagsasagawa ng ganitong uri ng scam.
Katunayan aniya, 20 kaso na rin ang naisampa sa mga na-entrap sa rehiyon.
Dahil dito pinayuhan ni Velez sa mga motorista na pumunta mismo sa opisina ng LTO kung nais nilang kumuha ng lisensya at huwag maniwala sa mga umaalok online dahil peke ang mga ito.
Ang sinumang mahuhuling gumagamit ng mga pekeng lisensya ay pagmumultahin ng P3000 at hindi maaaring makakuha ng legal na driver’s license sa loob ng isang taon. /MAS