Aklan News
3 PAARALAN SA AKLAN, NOMINADO SA DRY RUN NG PAGBABALIK NG FACE-TO-FACE CLASSES


Tatlong paaralan sa Aklan ang napili ng Department of Education (DepEd) Aklan na irekomenda para sa dry run ng pagbabalik ng face-to-face classes sa Enero 2021.
Hindi na muna pinangalanan ni Dr. Miguel Mac D. Aposin, Schools Division Superintendent ng Aklan ang tatlong paaralan na napiling ipasa sa regional office para dumaan sa evaluation ngayong Disyembre.
Nakikita ni Aposin ang pangangailangan na ibalik ang face-to-face classes matapos ang isang quarter ng distance learning, pero mahirap pa rin aniya ang sitwasyon sa ngayon kaya nagdesisyon ang Deped na magsagawa ng limited face-to-face classes sa mga lugar na posible.
Umaasa sila na makakatulong ang dry run at ang mga matututunan nila dito para magamit sa oras na ipatupad na ang malawakang implementasyon ng face-to-face classes.
Nauna nang inanunsiyo ng Malacañang na inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukala ng Department of Education na magsagawa ng dry run o pilot implementation ng face-to-face classes sa mga low-risk area o modified general community quarantine areas.