Aklan News
3 SUGATAN SA HIWALAY NA AKSIDENTE SA KALSADA, 1 NAKA-ICU
Naka-ICU ngayon sa Aklan Provincial Hospital ang isang rider ng motorsiklo matapos na makabangga ng isang nagbibisekleta sa Katipunan, Buruanga.
Kinilala ang rider na si Teodorico Dagohoy, 49 anyos ng Brgy. Cabugan sa nabanggit na bayan.
Batay sa ulat, pauwi na ang biktima dakong alas-6:30 kagabi nang bumaliktad sa motor na minamaneho matapos na sumalpok sa isang nagbibisekleta.
Bigla umanong dumilim sa lugar nang magkaroon ng brown-out kaya hindi nito Nakita ang nagbibisekleta dahil na rin sa mahina lang ang ilaw ng kanyang headlight.
Samantala, sugatan din si Jovelie Villar, 60 anyos ng Manggan, Banga makaraang salpukin ng motor ang likod ng kanyang minamanehong traysikel.
Kwento ng biktima, alas-8 kagabi habang pauwi at sakay sa traysikel ay bigla na lamang siyang sinalpok ng motor pagdating sa highway na parte ng Linabuan Sur.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang biktima at nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Sugatan din sa hiwalay na insidente ang isang 37 anyos na rider na si Angel Abelajon ng Brgy. Tinigao matapos sumalpok sa isang traysikel na biglang nag-U-turn sa may Estancia, Kalibo.
Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan na agad naman na binigyan ng lunas ng mga taga MDRRMO Kalibo at dinala sa ospital.