Aklan News
3 SUGATAN SA SALPUKAN NG 2 MOTORSIKLO


Tatlo ang sugatan sa aksidenteng salpukan ng 2 motorsiklo bandang alas 6:25 nitong gabi, malapit sa sabungan sa Sitio Bili, Pudiot, Tangalan.
Nakilala ang mga biktimang sina Roland Diego Macahilig, 36 anyos, at angkas nito sa motorsiklo na si Rudy Taladtad Macahilig, 75 anyos, kapwa residente ng Sitio Kabulihan, Pudiot, Tangalan, at Romar Roldan, 42 anyos ng Manoc-manoc, Boracay.
Base sa paunang imbestigasyon ng Tangalan PNP, nangyari ang insidente sa kurbadang kalsada kung saan pababa noon sina Roland at Rudy papunta sa direksyon ng Tangalan proper nang aksidenteng mabangga ng nagmomotorsiklong si Roldan, na nasa paakyat na direksyon papuntang Kalibo.
Sanhi nito, kapwa sumemplang ang dalawang motorsiklo na ikinasugat sa kani-kanilang ulo at iba pang parte ng katawan ng mga biktima.
Kaagad silang isinugod sa ospital matapos bigyan ng pangunang lunas ng MDRRMO Tangalan, habang nasa impounding area ngayon ng Tangalan PNP Station ang kanilang mga motorsiklo.
Samantala, lumalabas pa sa imbistigasyon na wala umanong head light ang motorsiklo ng dalawa, na posibleng dahilan na hindi sila nakita ng kasalubong nilang motorsiklo.