Aklan News
354 housing units sa albasan, Numancia wala pa ring suplay ng tubig at kuryente; ilang bahay, may sira na


Wala pa ring suplay ng tubig at kuryente ang 354 housing units ng National Housing Authority (NHA) sa Brgy. Albasan, Numancia, Aklan, halos anim na taon matapos simulan ang proyekto.
Ang housing project ay itinayo para sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Yolanda noong 2013.
Ngunit hanggang ngayon, hindi pa ito naiturn-over sa mga benepisyaryo dahil sa kakulangan ng pondo at mga materyales, ayon sa mga nagbabantay sa pabahay.
Nakatengga rin umano ang pagpapatapos ng water system ng pabahay, at wala pa ring tiyak na petsa kung kailan matatapos ang proyekto.
Bukod pa rito, ilang units ang nasira na, may sirang pinto, bintana, at kubeta. Ilan ding gripo sa loob ng mga bahay ang naiulat na nanakaw.
Target sanang iturn-over ang mga housing units bago ang 2025 elections, ngunit nananatiling wala pang malinaw na timeline para sa pormal na turnover.
Bagamat may ilang nakatalagang benepisyaryo na, hindi pa rin tiyak kung kailan nila ito maaaring tirhan. | Ulat Ni Jisrel Nervar