Aklan News
4 ARESTADO DAHIL SA ILEGAL NA SABONG SA MALINAO AT LEZO
Apat ang sasampahan ng kaso ngayong araw dahil sa paglabag sa PD 449 (Cockfighting Law of 1974 ) o ilegal na sabong sa magkahiwalay na opersyon ng mga pulis.
Base sa report, unang naaresto alas 10:30 kahapon ng umaga sa Mina, Lezo ang mga suspek na sina Arnold Pamatian, 33 anyos, at Glenn Del Rosario, 36 anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.
Narekober din ang 1 manok-panabong at P240.00 na pera.
Maliban dito, narekober din ang 2 cellphone, at 3 walang pares na tsinelas doon.
Kaagad dinala sa kustodiya sa Lezo PNP station ang mga suspek para sa karampatang disposisyon.
Samantala, 2 rin ang arestado sa Sitio Ilaya, Rosario, Malinao alas 12:30 kahapon ng hapon dahil din sa ilegal na sabong.
Nakilala ang mga suspek na sina Jovil Rondario, 34 anyos ng Navitas, Malinao, at Helbert Retilba, 31 anyos ng Rosario, Malinao.
Ayon naman sa Malinao PNP, kaagad nilang ikinasa ang anti-illegal cockfighting operation sa lugar matapos matanggap ang sumbong na may nagsasabong doon.
Resulta, naaresto ang dalawa mula sa mga humigit-kumulang 30 sabongerong naroon, at narekober ang 3 manok na panabong at P270.00 na perang nahulog umano sa mga nakatakas na suspek.
Maliban dito, narekober din mula kay Rondario ang P220.00 na pera at P860.00 naman mula kay Retilba.
Kaagad silang inaresto at ikinustodiya ng pulis para sa karampatang isasampang kaso.