Aklan News
4 NA PULIS BORACAY, NAABUTANG WALA SA PWESTO, NAHULING NAGSI-CELL PHONE SA DUTY
Nabuko ang apat na miyembro ng Malay PNP na nakatalaga sa isla ng Boracay na wala sa kanilang pwesto. Dagdag pa rito ang pagkakahuli sa kanila na gumagamit ng cellphone habang naka-duty.
Ang nakabuko sa mga pulis ay ang pangalawa sa may pinakamataas na katungkulan sa pulisya sa buong Western Visayas na si Police Colonel Remus Zacharias Canieso.
Kasalukuyang nasa Boracay si Canieso at nagsasagawa ng inspeksyon ng maaktuhan ang paglabag sa PNP guidelines ng mga nasabing pulis.
Isa sa kanila ay di nagkaila na nagyu-YouTube habang ang nag-iisang policewoman naman na nahuli ay umaming gumagamit ng Viber habang nasa duty.
Ayon kay PRO-6 spokesperson Police Lieutenant Colonel Joem Malong, agad-agad na dinisiplina ang mga pulis.
Kahapon ay nag-report sa Police Regional Office 6 (PRO-6) headquarters sa Camp Delgado, Iloilo City ang apat na pulis kung saas sumailalim sila sa mga pisikal na pagsasanay sa harap ng PRO-6 administration building mula 8:00 ng umaga hanggang 1:00 ng hapon.
Saad ng pamunuan ng PRO-6, hindi sila nagkulang sa pagpapaalala na ipinagbabawal ang paggamit ng cellphone habang nasa duty, maliban na lamang kung opisyal ang rason ng paggamit nito. Kasama rin sa paalala ang hindi paninigarilyo sa pampublikong lugar, lalo na kung sila ay naka-uniporme.
Ayon kay Malong, na kay Canieso ang pagpapasiya kung sasampahan ba ng kasong administratibo ang apat na pulis.