Aklan News
41 PAMILYA NA PINAPAALIS SA BORACAY NO BUILD ZONE, BIBIGYAN NG LUPA PARA MAGING PERMANENTENG RELOCATION SITE
May solusyon na sa problema ng mga residente ng Malabunot at Tambisaan, Boracay na pilit na pinapaalis sa kani-kanilang tirahan na tinukoy bilang mga No Build Zones.
Sa panayam ng Radyo Todo sinabi ni Presidential Consultant for Western Visayas Jane Javellana na ito ang napag-usapan sa ginanap na dayalogo kahapon kasama ang mga taga Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agrarian Reform (DAR).
Makakatanggap ng tig 200sqm na lupa sa Manocmanoc, Boracay ang 41 pamilya na maaari nilang pagtayuan ng bagong tahanan.
Kaugnay nito, napag-usapan din kahapon ang relocation site na pwedeng paglipatan ng mahigit 380 na mga informal settlers mula sa 30 meters easement, wetlands at forestlands.
Sinabi niya na may na-identify na rin silang lugar na paglalagyan sa kanila pero hind isa mismong isla ng Boracay kundi sa mainland Malay.
Nagpaplano na rin sila na magsagawa ng ocular inspection sa mga lupang ito sa darating na Pebrero 2, 2022. RT/MAS