Aklan News
49-ANYOS NA BABAE, ARESTADO SA DRUG BUY-BUST OPS SA ISLA NG BORACAY
Kulungan ang bagsak ng 49-anyos na babae matapos kumagat sa ikinasang drug buy-bust operation ng mga kapulisan nitong Huwebes ng gabi sa Sitio Bantud, Brgy. Manoc-manoc sa isla ng Boracay.
Kinilala ng suspek kay Melissa Tuclab at pansamantalang naninirahan sa isang apartment sa nasabing lugar.
Si Tuclab ay nakipagtransaksyon sa nagsilbing poseur buyer ng isang sachet ng shabu sa halagang isang libong piso.
Maliban dito, nakuhaan pa ng tatlong sachet ng hinihinalaang shabu ang suspek.
Sa panayam ng Radyo Todo kay PLt. Joven Vega, team leader ng Malay PNP, sinabi nito na si Tuclab ay matagal nang sinusubaybayan ng mga operatiba hanggang sa ikinasa na ang nasabing operasyon.
Dagdag pa ni PLt. Vega kasamahan ni Tuclab ang nauna nang naaresto dahil rin sa droga sa isla ng Boracay.
Aniya, matagal ng nagsasagawa ng iligal na aktibidades ang mga ito ngunit tumigil lamang matapos magsara ang isla ng Boracay at mag-pandemya.
Bumalik lamang aniya sila sa iligal na gawain ngayong nasa new normal na ang lalawigan gayundin na unti-unti nang dumadami ang mga bumibisita sa isla.
Saad pa ni Vega na mga partygoers sa Boracay ang kliyente ng suspek.
Napag-alaman din ng mga kapulisan na may courier ang mga suspek at nagmumula sa bayan ng Kalibo at lalawigan ng Capiz ang mga ibinebenta nilang shabu.
Sa kabila ng maiyak-iyak nitong pagtanggi, si Tuclab ay mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2002.