Connect with us

Aklan News

5 bayan sa Aklan nananatiling nasa ASF red zone – Prov’l Veterinarian

Published

on

Hindi parin ligtas ang mag-alaga ng baboy sa probinsya ng Aklan dahil sa patuloy na pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan.

Ito ang inihayag ni Provincial Veterinarian Dr. Mabel Siñel sa panayam ng Radyo Todo.

Aniya, pabalik-balik umano lang ang virus dahil rin sa kagagawan ng mga hog raisers na kung may manghina man sa kanilang alagang baboy ay ibebenta ang mga ito o ang natirang alaga sa ibang bayan na siyang dahilan ng pagkalat ng virus.

Katunayan aniya, nailista na sa pink zone noong nakaraan ang bayan ng Numancia, Kalibo at Lezo ngunit nanumbalik muli sa red zone dahil sa mga ganitong gawi.

Sa pinakahuling datos, limang bayan parin sa Aklan ang nasa Red Zone kung saan nangunguna ang bayan ng Kalibo, kabilang ang bayan ng Numancia, Lezo, Ibajay at Tangalan.

Habang ang walong iba pang munisipalidad sa Aklan ay naikonsidera ng nasa pink zone o buffer zone.

Kaugnay nito, inimungkahi rin ni Dr. Siñel sa mga hog raisers na kung maaari ay iwasan muna ang mag-alaga ng baboy at mag-alaga muna ng ibang hayop na mapagkakakitaan gaya ng manok, baka at kambing para maiwasan ang pangamba na masayang ang kanilang nga kapital.

Samantala, patuloy naman ang pagbabawal ng pag-angkat o pagkuha ng supply ng baboy sa mga kalapit na lugar lalo na sa mga na nagdeklara ng ASF outbreak gaya ng Batangas at Mindoro.