Connect with us

Aklan News

6 ka-tao naaktuhang naghahakot ng sako-sakong buhangin sa Boracay

Published

on

Gumagapang na sa hirap ang mga residente sa Boracay na umaasa lamang sa turismo kaya may iilan na umanong nakakagawa ng ilegal gaya ng paghahakot ng buhangin para ibenta.

Ayon kay Punong Barangay Hector Casisid, malaki ang epekto ng pandemya sa hanapbuhay ng kanyang mga nasasakupan at halos wala na ring makain ang iba.

Kamakailan lamang, naaktuhan nila ang 6 na indibidwal na naghahakot ng buhangin sa Sitio Punta Bunga, Yapak kahit na ito ay mahigpit na ipinagbabawal base Municipal Ordinance 310.

Pinagpaliwanag ang mga ito at nabatid na binabayaran sila ng P200 halaga sa kada sako ng buhangin na ginagamit pang disenyo sa mga hotel.

Ayon kay PB Casidsid, pinatawad niya muna ang mga ito dahil naiintindihan niya na nagawa lamang iyon dahil sa hirap ng buhay. Pero hindi na umano ito magdadalawang isip na sampahan ng kaso ang mga ito sa oras na muli nila itong gawin.

Nangako naman ang mga ito na hindi na uulit sa naturang gawain.

Dalangin ng kapitan na bumalik na sa normal ang turismo sa Boracay para magkaroon na ng legal na hanapbuhay ang mga residente.

Samantala, balak ng kapitan na ibalik sa baybayin ang mga nakumpiskang sako-sako ng puting buhangin.