Aklan News
6 TURISTANG GUMAMIT NG PEKENG RT-PCR TEST, MAHAHARAP SA PATONG-PATONG NA KASO
Mahaharap sa patong-patong na kaso ang 6 na turistang mula Luzon na gumamit ng mga pekeng dokumento para magbakasyon sa Boracay Island.
Sa ngayon ay naka-quarantine pa sa Aklan Training Center ang nasabing anim na mga turista.
Inihahanda na ng mga kapulisan ang kasong paglabag sa Falsification of Documents at RA 11332 o “An act providing policies and prescribing procedures on surveillance and response to notifiable diseases, epidemics and health events of public health concern” laban sa mga ito.
Hinihintay nalang ng mga kapulisan na matapos ang 14-day quarantine ng mga nabanggit para sa pagharap ng mga ito sa kanilang kaso.
Ayon sa kapulisan, madaragdagan pa ang kasong kahaharapin ng anim sa oras na magpositibo ang mga ito sa swab test.
Matatandaang dumating sila sa isla noong December 5, sakay ng eroplano.
Nito lamang December 7, dinampot sila ng mga otoridad sa kanilang tinutuluyan na hotel matapos mabuking na peke ang mga gamit nilang RT-PCR test results.
Mismong ang Safeguard DNA Diagnostic Center na nakabase sa Mandaluyong City ang nagkumpirma na peke ang mga naturang dokumento.