Aklan News
62-anyos na rider, patay matapos makabanggaan ang isang dump truck
Nagkalat ang dugo sa kalsada ng isang rider matapos nitong makabanggaan ang kasalubong na 10-wheeler dump truck sa bahagi ng Brgy. Linayasan, Altavas dakong alas-7:55 ngayong umaga.
Napag-alaman na 62-anyos ang rider na residente ng bayan ng Makato.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Altavas PNP, magkasalubong umano sa lugar ang motorsiklo na mula sa bayan ng Batan at dump truck na may kargang buhangin na papunta naman sanang Dumalag.
Ngunit dahil bahagyang pakurba ang kalsada ay sumobra umano sa linya ang truck dahilan para sumalpok rito ang motor.
Tumilapon ang rider at nagtamo ng malalim na sugat sa kaniyang panga, bali sa leeg, kaliwang braso at mga gasgas pa sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Agad dinala ng Mdrrmo Altavas ang rider ngunit idineklara na itong dead on arrival sa Altavas District Hospital.
Samantala, nasa kustodiya naman ngayon ng Altavas Pnp ang driver ng truck para sa karampatang disposisyon.