Aklan News
7-anyos pinagbubugbog ng tiyuhin dahil sa natapon na palay
Kalunos-lunos ang sinapit ng isang pitong taong gulang na batang babae sa kamay ng kanyang sariling tiyuhin sa isang barangay sa Altavas.
Habang nakaluhod ay pinagpapalo ng kahoy ng suspek na si Gilbert Depedro ang bata dahil sa natapon umano nito ang kanilang binilad na palay.
Nagtamo ng mga sugat, bukol at gasgas sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang bata, hirap din ito sa pag-ihi dahil hindi rin nakaligtas ang pribadong parte ng kanyang katawan sa palo ng kanyang tiyuhin.
Batay sa kay PCpl. Christine Octavio, imbestigador ng Altavas PNP, nangyari ang insidente Nobyembre 15 ng gabi at Nobyembre 16 ng umaga nila natanggap ang report.
Agad nilang kinuha ang bata at dinala sa sa RHU na kalaunan ay nilipat sa Aklan Provincial Hospital.
Ayon kay Octavio, kasong paglabag sa RA 7610 o Child Abuse ang isasampa sa suspek dahil sa mga serious wounds na tinamo ng bata.
Napag-alaman na ang ina ng bata ay nagtatrabaho sa Manila at matagal nang walang komunikasyon sa kanila habang ang ama naman nito ay nakakulong.