Aklan News
‘7 WONDERS OF MALAY’ SUSI SA MULING PAGBANGON NG INDUSTRIYA NG TURISMO
POSITIBO ang Malay Tourism Office na muling makakabangon ang industriya ng turismo sa Aklan matapos padapain ng pandemya dulot ng COVID-19.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix Delos Santos nakikita nilang mas lalago pa ang turismo sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa iba pang tourist destination sa lalawigan.
Maliban kasi sa sikat na isla ng Boracay, ang bayan ng Malay ay may iba pang magagandang destinasyon na maaaring pasyalan.
Ito ang tinatawag nilang “7 Wonders of Malay” na kinabibilangan ng Malay Ecological Park sa Brgy. Argao, Nagata Falls, Nabaoy River, Agnaga Mini Falls and Cold Spring sa Brgy. Kabulihan, Pangihan Cave at Naasug Point.
Aniya, malaking bagay ang naging hakbang ng lokal na pamahalaan matapos payagan ang mga turista sa isla ng Boracay na mag sidetrip sa Mainland Malay.
Batay kasi sa ipinalabas ng Executive Order No 01-B, Series of 2022 ng LGU Malay nitong Pebrero 22, maaari nang makapasyal sa mainland Malay ang mga turista kahit walang RT-PCR test results.
Dagdag pa ni Delos Santos, kailangan lamang pumirma ng health declaration form sa kanilang tanggapan at magpakita ng vaccination card o anumang patunay na sila ay bakunado laban sa COVID-19.
Samantala, simula Pebrero 1 hanggang Pebrero 22, may kabuuang 57,378 na mga turistang bumisita sa Boracay at 264 sa mga ito ay mga foreign tourist.