Connect with us

Aklan News

76 SA 135 CHINESE WUHANS, LILIPAD NA NGAYON PABALIK SA CHINA

Published

on

Photo shows a group of Chineses in Boracay Island.

BORACAY ISLAND–Nagdesisyon na ang gobyerno ng China na pauwiin ngayong araw ang 76 sa 135 na mga tsino na dumating sa Kalibo Airport nitong Huwebes na nananatili ngayon sa tatlong hotel sa Boracay.

Batay ito sa eklusibong pahayag sa Boracay Informer ni Peter Tay na liason officer ng Chinese Embassy sa Boracay na kasalukuyang nasa Kalibo International Airport para asikasuhin ang repatriation ng mga nasabing tsino.

Ayon pa sa kanya, ang natitirang 59 sa grupo ay kailangan munang maghintay sa isla hanggang January 27 o hanggang sa dagdag na anunsyo.

Sa kabila ng pag-lockdown sa Wuhan City para maawat ang pagkalat ng naturang sakit, sinabi ni Tay na nagdesisyon ang Chinese government na buksan ngayong araw ang Wuhan airport para sa mga inbound o papasok na flights ng mga papauwing mga residente ng Wuhan na manggagaling sa isla ng Boracay.

Kaugnay nito, inanunsyo ng Chinese government ang pagsuspende sa mga chartered flights mula bukas, January 26.

Samantala, hiniling ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI Boracay) at Boracay Foundation Incorporated sa Boracay Inter-Agency Task Force na pangunahan ang pagsasagawa ng safety measures o sistema na magsisigurong hindi makakapasok ang naturang virus sa isla.

Nagbunga ng takot at pangamba sa negosyante at mga turista sa Boracay ang pagpasok ng huling grupo ng mga tsino kaalinsabay sa pagdeklara ng China ng lockdown sa Wuhan noong huwebes.

Anila ang pagpasok ng 135 na tsino ay maaaring mag-umpisa sa kinatatakutang paglaganap ng coronavirus sa isla ng Boracay.

Sa ngayon, wala pang aksyon ang mga lokal na opisyal ng Malay kung papaano nila masisiguro na ligtas ang Malay, ang mga mamayan nito gayundin ang mga turista sa isla mula sa bagong sakit na tinaguriang 2019 n-CoV

Kasalukuyang nasa bakasyon si Acting Mayor Frolibar Bautista habang lumalabas ang mga balita ukol sa coronavirus na nagresulta ng pangamba sa mga Malaynon maging sa mga turista dito.

Ayon sa isang residente sa isla na nagawa pang mag leave ni Mayor Bautista sa harap ng kasalukuyang sitwasyon na posibleng makaapekto ng malaki sa isla ng Boracay. Inakusahan pa nitong iresponsable ang naturang alkalde.