Connect with us

Aklan News

AGADC, MAGDADAOS NG IKA-8 TAON NG “ONE BILLION RISING ADVOCACY ACTIVITY

Published

on

Photo| AGADC

Kalibo – Itataon sa selebrasyon ng Valentine’s day, February 14, ang “One Billion Rising 2020” na aktibidad ng Aklan Gender and Development Commission (AGADC) at Provincial Planning and Development Office (PPDO) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “flash mobs” at culminating activity.

Ang “flash mobs” o pagsasayaw para sa adbokasiya ay mag-uumpisa alas 2 ng hapon sa Gaisano Capital Kalibo, City Mall Kalibo, at sa harap ng provincial hospital at dideretso  sa harap ng provincial capitol para sa culminating activity kung saan magbibigay ng mensahe ang mga kilalang personalidad sa probinsya tungkol sa adbokasiya para sa karapatan ng mga kababaihan at mga kabataan.

Ang One Billion Rising ay naglalayon para mabigyan ng aksyon ang mga insidente ng pananakit at pang-aabuso sa mga kababaihan. Ayon sa statistical record isa sa tatlong kababaihan sa mundo ang nakakaranas ng pagmamalupit.

Ang nasabing adbokasiya ay idinadaos tuwing Pebrero 14 bawat taon mula ng mag umpisa ito noong February 14, 2012.

Itinuturing itong isa sa pinakamalaking pagtitipon dahil isinasagawa rin ito sa ibang parte ng mundo.

May temang “Raise the vibration, Rise for revolution” ang kampanya ngayong taon 2020. Sa pamamagitan nito, nais umano nilang iparamdam ang saya at pagkakaisa para maipakita sa buong bansa at probinsya ng Aklan na hindi mananaig ang pang aabuso sa mga kababaihan at kabataan.

Kaugnay nito, iniimbitahan ang lahat na makilahok sa nasabing adbokasiya sa pamamagitan ng pagsali sa “flash mobs” at “culminating activity” program.

Continue Reading