Aklan News
AKELCO, balak maningil ng 10% surcharge o dagdag singil sa mga di nagbabayad ng kuryente sa tamang oras


Plano ng AKELCO na ipatupad ang 10% surcharge o dagdag singil sa mga kunsumidor na hindi nakapagbabayad ng kuryente sa tamang oras.
Sa panayam ng Radyo Todo kay AKELCO General Manager Atty. Ariel Gepty, sinabi niya na ito ang isa sa mga importanteng pag-uusapan sa gaganaping Annual General Membership Assembly (AGMA) sa July 30, 2022 sa ABL Sports Complex.
Paliwanag ni Gepty, sa kabuuang 121 na mga electric cooperatives, tanging ang AKELCO lang ang hindi naniningil ng surcharge sa mga konsyumer na hindi nakapagbabayad bago ang due date.
Batay pa sa kanilang pag-analisa, nasa 80% ng mga member/consumer ang hindi nagbabayad sa tamang oras at naghihintay pa ng 48 hour notice of disconnection.
Aniya, umaabot sa halos kalahating milyon ang nagagastos ng AKELCO sa pag-imprenta ng notice of disconnection at paghatid ng mga ito.
Kaya para maobliga ang mga konsyumer, nais nilang ibalik ang pagpataw ng surcharge.
Dagdag pa niya, pinapatawan din kasi ng surcharge at interes ang AKELCO kapag hindi nakapagbayad sa mga generators at planta ng wala sa oras.
Kaugnay nito, inanyayahan ni Gepty ang mga member/consumer na dumalo sa gaganaping AGMA para mapag-usapan o marinig din nila ang reaksyon ng mga ito kaugnay sa plano nilang pagbalik sa surcharge.
Binanggit din niya na inaasahan nilang pagbibigyan ni Senator Robin Padilla ang kanilang imbetasyon bilang guest speaker sa AGMA.