Aklan News
AKELCO, DI GAANONG NAAPEKTUHAN NG DAGDAG-SINGIL SA KURYENTE SA PAGKASIRA NG SUBMARINE CABLE NG NGCP
Hindi gaanong naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng kuryente ang Aklan Electric Cooperative (Akelco) nitong mga nakaraang buwan kung ikukumpara sa ibang kalapit na electric cooperatives sa rehiyon.
Magugunitang tumaas ang presyo ng kuryente sa Panay at Negros Islands nitong Agosto dahil sa pagkasira ng submarine cable ng National Grid Corporation (NGCP) nang tamaan ng backhoe ng contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) habang nagsasagawa ng river dredging at re-channeling project sa Negros Oriental.
Dahil sa nangyari, nabawasan ang transmission capacity ng NGCP sa mga isla na konektado sa Cebu, Negros at Panay Grid at hindi na nakapasok ang murang supply ng kuryente.
Ayon kay Akelco OIC General Manager Mega A. Mortalla, 14 sentimo lang ang itinaas sa bayarin ng mga kunsumidor ng AKELCO sa buwan ng Hulyo at Agosto dahil 10% lang naman ang binibiling kuryente mula sa Philippine Electricity Market Corporation (PEMC).
“Ang impact ng PEMC sa Akelco is so minimal lang kasi we are not so exposed in the market,” saad ni Mortalla.
Dagdag pa ni Mortalla, hindi patas sa mga miyembro/kunsumidor ang dagdag singil dahil hindi naman nila kasalanan ang naging kapabayaan ng DPWH.
“Unfair kasi wala namang kasalanan talaga ang member-consumers sa nangyari,” giit ni Mortalla.
Aniya, nagsimula ang dagdag na 14 sentimos sa bill ng Akelco sa buwan ng Hulyo sakop na rin ang mga buwan ng Agosto at Setyembre.
Kaugnay nito, kamakailan lang ay ipinahinto ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) ang dagdag-singil at ibang pang charges sa mga konsumidor sa Panay at Negros dahil sa reklamo ng ilang stakeholders.
Magkakaroon din ng refund sa mga nasingil na line rentals sa mga kunsumidor na mararamdaman sa Oktubre.
Aniya, nakapaglabas na kasi ng bill para sa buwan ng Setyembre bago pa man naglabas ng direktiba ang ERC.