Aklan News
AKELCO, MKWD, IPINATUPAD NA RIN ANG ‘NO VAXX, NO ENTRY’ POLICY
Nagpatupad na rin ng ‘No Vaccine, No Entry’ Policy ang Aklan Electric Cooperative (AKELCO) at Metro Kalibo Water District (MKWD).
Ayon kay Atty. Ariel Gepty, Acting General Manager ng AKELCO na sinusuportahan nila ang programa ng gobyerno na magkaroon ng herd immunity para makabalik na sa normal ang pamumuhay ng mga tao.
Bukod dito, nais rin niya na protektahan ang kanilang mga empleyado laban sa COVID-19 dahil minsan na ring naapektuhan ng virus ang ilan sa kanilang mga empleyado pati na ang kanilang operasyon.
Sinabi pa ni Gepty na fully vaccinated na ang lahat ng empleyado ng AKELCO maging ang mga miyembro ng pamilya ng mga ito.
Nilinaw naman ni Gepty na mayroon naman silang ibinigay na alternatibong paraan para makabayad ang mga consumers na hindi na kailangan pumunta pa sa mga bayad centers tulad ng online payment na halos 30% ng mga kunsumidor ang gumagamit.
Binigyang-diin pa nito na hindi discriminatory ang pagpapatupad nila ng ‘No Vaxx. No Entry’ Policy dahil may obligasyon sila sa gobyerno na suportahan ang mga program anito lalo na’t magdadalawang taon na rin ang COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, kinumpirma rin ni MKWD Public Information Officer Frederick Buenavides na nagpapatupad na rin ang kanilang opisina ng parehong polisiya.
Nakikita raw nila na ang polisiyang ito ay para sa kaligtasan ng lahat.
Iniiwasan din nila na maulit pa ang pag-lockdown ng kanilang opisina dahil sa pagpositibo ng mga empleyado sa COVID-19 nitong nakaraang taon.
Fully vaccinated na rin aniya ang lahat ng empleyado ng MKWD at naghihintay na lang ng booster shots. RT/MAS