Aklan News
AKELCO pumangatlo sa may mataas na power rate sa buong Western Visayas
PUMANGATLO ang Aklan Electric Cooperative (AKELCO) sa may mataas na power rate sa buong Western Visayas ngayong buwan ng Setyembre.
Ayon kay AKELCO General Manager Atty. Ariel Gepty ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng coal sa world market.
Aniya pa, nagtaas rin kasi ng singil per kWh ang dalawang plantang pinagkukunan din ng suplay ng kuryente ng AKELCO.
“Tama ron dahil medyo nagsaka ro aton nga sinueoktan sa buean ngara it Setyembre bangod nga ro presyo it coal nga kung sa siin nga daywa naton nga ka-planta nga ginaboe-an it kuryente hay nagpasaka ku anda nga sinueoktan per kWh man,” ani Gepty.
Saad pa nito na ang isa sa coal generator ng AKELCO sa Iloilo ay P12.57 per KWh ang singil.
Samantalang, P16.77 naman ang singil ng isa pa nilang generator.
Ito aniya ang humihila pataas sa presyo ng power rate gayundin na hindi maiwasan ang tuloy-tuloy na pagsipa ng presyo ng coal sa world market.
Paliwanag pa ni Gepty, malaking bagay din ang malakas na dollar rate laban sa piso dahil ang ginagamit aniyang pambili ng coal ay dolyar.
Dagdag pa nito na ang kontrata ng AKELCO sa power generator ay batay lamang sa prinsipyong pass-through kung saan ipinapasa ng generator sa kooperatiba ang mga nagagastos nila para sa Cost Recovery fee at ipinapasa din ng kooperatiba sa kanilang member-consumer/owners.
“Aton man nga ginahimo iya sa AKELCO, owa gid kita masyado nag-angkat it kuryente sa aton nga contracted powers sa aton ngara nga daywang coal generators naton sa Iloilo,” pahayag pa ni Gepty./SM