Aklan News
AKLAN, INIREKOMENDA NG RIATF NA ISAILALIM SA MECQ
Inirerekomenda ng Western Visayas Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) at Regional Task Force (RTF) na iakyat sa mas mataas na quarantine classification ang probinsya ng Aklan.
Ito ang napagkasunduan ng joint RIATF-RTF COVID-19 pagkatapos ng kanilang masusing pag-uusap sa request ni Aklan Gov. Florencio Miraflores na iakyat ang quarantine status ng probinsya mula sa General Community Quarantine with heightened restriction sa Modified Enhance Community Quarantine o MECQ sa loob ng 15 araw.
Sa ipinadalang sulat ni Gov. Miraflores sa RIATF, binanggit nito ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa probinsya, at ang pag-akyat sa mas mataas na quarantine classification ay masisiguro umano nito na hindi aabot sa critical level ang ngayon ay nasa high risk na health care system ng probinsya.
“In just a span of seven days, our health care utilization rate already shoot up as it reached to more than 80-percent and the danger of being overwhelmed is already there”, pahayag ni Miraflores sa joint WV RIATF-RTF meeting kahapon.
Pagod na rin umano ang mga health care workers ng probinsya.
Pahayag pa ng gobernador na sa kabila ng pag aproba ng Department of Health sa budget para sa dagdag na recruitment ng mga health care personnel para mag augment sa probinsya, isang doktor at dalawang medical technologists lamang umano ang nag-apply.
Inaprubahan umano ng DOH6 ang pag hire ng 10 doctors, 30 nurses at 5 medical technologists para magdagdag pwersa sa probinsya.
Dagdag pa ng gobernador, oportunidad na rin umano ng Aklan na magpatupad ng mas mataas na restrictions kasunod ng pagsasailalim din sa NCR sa ECQ simula Aug. 6-20, 2021 dahil karamihan naman umano na turista na pumupunta sa probinsya ay galing sa NCR.
Maliban sa request ng RIATF-RTF 6 sa pag akyat ng community quarantine ng Aklan, nakasaad din sa Joint Resolution No. 20, ang request sa mabilisang pagbigay ng assistance sa probinsya sa oras na ipatupad na ang mas mataas na community quarantine status.
Ang nasabing meeting ay pinangunahan ng RTF 6 at DILG Regional Director Juan Jovian Ingeniero at RIATF 6 Chair at Office of the Civil Defense Regional Dir. Jose Roberto Nuñez. Kasama din ang DOH, NEDA, PNP at DSWD.