Aklan News
AKLAN PHO, PABOR SA ECQ KUNG MAGPAPATULOY ANG PAGLOBO NG COVID-19 CASES
Handa ang Aklan Provincial Health Office na irekomenda ang mas mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lalawigan kung magpapatuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases.
Sinabi ni Dr. Cornelio Cuachon ng Aklan Provincial Health Office na binabase ng Department of Health (DOH) ang community quarantine decision matrix sa bilang ng two week growth rate, hospital utilization rate, at daily attack rate ng isang lugar.
As of August 15, ang hospital utilization rate sa ICU ng Aklan Provincial Hospital ay maituturing na low risk, dahil 25 mula sa 47 ICU beds palang ang okupado o 53%.
Pero nasa high risk na aniya ang COVID-19 ward sa parehong ospital dahil 77 na ang okupadong hospital bed mula sa 94 bed capacity.
Kung titingnan umano ay posibleng may Delta variant na sa Aklan dahil sa bilis ng pagkalat ng virus at pagdami ng mga nahahawaan nito.
Pero hanggang ngayon ay negatibo pa rin sa Delta variant ang lalawigan, tanging Beta variant at P3 variant lamang ang nailista sa Aklan.
Ayon pa kay Cuachon, hinihintay pa nila ang resulta ng 58 swab samples na ipinadala nila sa Philippine Genome Center.
Bukod sa posibilidad na may Delta variant, ang pagiging kampante ng publiko ang tinitingnan nilang dahilan kung bakit sumipa ang kaso ng nakamamatay na sakit sa lalawigan.
Kasalukuyang nasa ilalim ng Modified Enhanced Community ang probinsya hanggang sa katapusan ng buwan.