Connect with us

Aklan News

AKLAN PNP, NAGBABALA SA PUBLIKO LABAN SA MGA NAGPAPANGGAP NA PULIS AT NANGHIHINGI NG LOAD AT FINANCIAL ASSISTANCE

Published

on

PDOSia

Nanawagan ang pamunan ng Aklan Police Provincial Office (APPO) sa publiko na mag-ingat sa mga nagpapanggap na pulis at nangso-solicit ng cellphone load at financial assistance para sa umano’y gaganaping projects sa kampo ng kapulisan.

Ito ay bunsod ng nakalap na impormasyon ng tanggapan ng Provincial Director na mayroon umanong tumatawag sa iba’t ibang opisyales sa Aklan at nagpapanggap na siya Aklan Police Director PCol Colonel Esmeraldo Palomara Osia Jr.

Ayon kay Staff Sgt. Ma. Jane Vega, spokesperson ng APPO, mga impostor ang mga gumagawa ng mga nasabing gawain at walang kahit anong kaugnayan si PDOsia rito. Mariin din pinabubulaanan ng APPO ang pagkakaroon ng nasabing mga proyekto at hindi umano nila palalagpasin ang anumang uri ng krimen.

“Mariing kinokondena ng Aklan PNP ang panloloko at lahat ng uri ng krimen sa probinsya,” ani PDOsia.

Ayon pa kay PDOsia, kung kailanggan ng APPO ang tulong ng local government unit (LGU), ang protocol na kanilang sinusunod ay ang pag-aatas sa mga chief of police ng particular na LGU na mag-set ng appointment at makipag-usap sa mga opisyales na sangkot.  Hindi umano siya direktang tumatawag sa mga opisyales ng LGU.

Dagdag pa niya, huwag basta bastang maniwala at magpapasindak sa mga tumatawag at nagpapanggap na mataas na opisyales ng PNP.  Mahigpit umano na ipinagbabawal ng APPO ang panghihingi o kahit pagtanggap ng regalo ng mga pulis.

“Hindi ko o sino mang pulis sa Aklan gagawin ang pananakot at panloloko upang makakuha ng kahit ano mang financial assistance. Kami po sa PNP ay narito upang mag bigay-tulong at serbisyo sa inyo at hindi para kayo ay lokohin at takutin,” pagbibigay-diin ni PDOsia.

Kaugnay nito, hinikayat din ng pamunuan ng Aklan PNP ang publiko na agad na isumbong sa kanilang tanggapan kung may pulis na nanghihingi sa kanila ng pera o regalo lalo na ngayong papalapit na ang Pasko.

Matatandaang isang taon na ang nakalipas nang ginamit din ang pangalan ni PCol. Esmeraldo P Osia Jr. sa panghihingi ng cellphone load sa isang alkalde sa Aklan.