Connect with us

Aklan News

Aklan posibleng magdeklara ng dengue outbreak – PHO

Published

on

POSIBLENG magdeklara ng dengue outbreak ang Aklan kung magtuloy-tuloy ang pagtaas ng kaso ng naturang sakit sa lalawigan.

Ito ang inihayag ni Mr. Roger Debuque, Health Program Officer II ng PHO-Aklan sa panayam ng Radyo Todo.

Aniya, tumaas ng 102% ang naitalang kaso ng dengue sa probinsya kung ikukumpara noong nakaraang taon batay sa datos mula buwan ng Enero hanggang Agusto 10, 2024.

Nangunguna pa rin sa may pinakamataas na kaso ang bayan ng Malay na mayroong 257 na kaso; sumunod ang Kalibo na may 230 cases; Nabas (112); Ibajay (99); Numancia (97); New Washington (81); Buruanga (79); Tangalan (71); Batan (67); Libacao (65); Makato (59); Malinao (45); Banga (38); Lezo (37); Balete (31); Madalag (28); at Altavas na 23 na mga kaso.

Inihayag ni Debuque na karamihan sa mga nagkakasakit ng dengue ay ang edad 1 hanggang 20 taong gulang na mga vulnerable sa naturang sakit.

Hinimok nito ang publiko na magtulungan lalo na sa mga barangay na linisin ang kanilang mga kapaligiran at sirain ang posibleng pugad ng mga lamok upang maibsan ang pagtaas ng kaso ng dengue sa Aklan.

Kaugnay nito, nakipagtulongan na rin ang PHO-Aklan sa mga RHU sa lahat ng munisipalidad at ilang mga eskwelahan sa pamamagitan ng pagbigay ng mga insecticides, larvicides, mosquito nets na pangontra sa mga lamok gayundin ang paghikayat sa mga LGU na laging i-monitor ang kanilang nasasakupan.

Sa ngayon ay nagpaaptuloy pa ang isinasagawang surveillance ng PHO Aklan dahil kung sakaling tumaas pa ang naitatalang kaso ng dengue ay magde-deklara na sila ng dengue outbreak sa Aklan.

Napag-alaman na una nang nagdeklara ng dengue outbreak ang mga kalapit na lugar gaya ng Capiz at Iloilo.