Aklan News
AKLANON, WAGI SA SINING BAYANIHAN NATIONAL COMPETITION 2021
Hinirang na kampeon ang Aklanon na si Alfred M. Ginoy sa idinaos na Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) Sining Bayanihan National Competition 2021 ng Philippine National Police kamakailan.
Ayon kay Ginoy, ang kanyang Spoken Poetry na pinamagatang “Salmo sa Pagsabat,” ay naglalayong ipaabot sa kapwa niya kabataan na sila ay “may tungkulin para sa ikabubuti ng ating bayan.”
Dahil sa natamong tagumpay, bumuhos ang pagbati kay Ginoy mula sa kapwa niya mag-aaral at mga guro sa Aklan State University-New Washington Campus. Nagpaabot din ng pagbati ang mga tanggapan ng Regional Community Affairs and Development Division ng Police Regional Office 6, Aklan Police Provincial Office at New Washington Municipal Police Station.
Ang Sining Bayanihan ay isang Arts and Culture Competition na inilunsad kaugnay ng 26th PCR Month Celebration 2021 ng PNP sa pamamagitan ng KKDAT na naglalayong itaguyod ang kahalagahan ng “youth empowerment, resourcefulness, active citizenry and participation in nation-building, and Filipino core values of pakikipagkapwa, pagiging maka-Diyos, at mapagmahal sa pamilya.”
Ang tema sa taong ito ay: Kabataan Tayo Mismo: Malikhain at Matapang na Pagtugon sa Anumang Hamon ng Panahon.