Aklan News
Alcedo Café and Recreational Center, nais ipasara ng Tambak Barangay Council
Nagpasa ng resolusyon ang mga opisyal ng barangay sa Tambak, New Washington para ipasara ang Alcedo Café and Recreation Center.
Ito ang kinumpirma ni Brgy. Captain Lucille Macario sa panayam ng Radyo Todo.
Aniya, ang Barangay Resolution No. 10-2022 ay naglalayong ipasara ang nabanggit na establisyemento na pagmamay-ari ni Beny Alcedo dahil sa mga paglabag sa mga lokal na ordinansa at mga kondisyon sa Mayor’s permit na ibinigay ng munisipyo.
Ayon kay kapitana, isa sa mga dahilan nito ang nangyaring kaguluhan noong Disyembre 4 na kung saan, kumalat sa ang video ng rambol ng dalawang grupo sa social media at maging sa mga mainstream media outlets at na-ere sa buong bansa.
Batay sa resolusyon, ilang beses na ring nagresponde ang barangay council sa Alcedo Café sa mga nangyayaring gang wars, komosyon at mga kaguluhan dahil sa kalasingan ng mga customers.
Kadalasan pa umano sa mga customers sa kanilang liquor bar ay mga menor de edad.
Bukod dito, ilang beses na ring nasangkot sa mga vehicular accidents sa Tambak highway ang mga lasing na customer mula sa nasabing establisyemento.
Dahil dito nagsagawa ng emergency meeting ang barangay council at napagkasunduan nila na magpasa ng resolusyon kaugnay sa pagpapasara ng nasabing establisyemento.