Aklan News
Alkalde ng Malay umapela sa MGB na ipaliwanag kung paano nila natukoy ang mga sinasabing sinkhole sa Boracay Island
Umaapela ngayon si Malay Mayor Frolibar Bautista sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) na ipaliwanag ng mabuti kung paano nila natukoy ang mga sinasabing sinkhole sa isla ng Boracay.
Ayon kay Mayor Bautista nagulat siya ng mabalitaang mayroong mahigit 800 sinkhole na nakita ang MGB sa sila.
Aniya pa, nais niyang malaman kung ang mga ito nga ba ay totoong sinkholes dahil baka pati ang mga balon sa isla ay napabilang sa mga sinasabing sinkhole ng MGB.
Nais niya din umanong malaman kung ano ang equipment na ginamit ng MGB sa pagtukoy ng mga ito.
Giit pa ni Bautista na sana ay natalakay ito noong rehabilitasyon ng isla sa ilalim ng task force upang mas nabigyan ito ng pansin at sana’y hindi na nagdagdag pa ng mga establisiyemento sa isla.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Malay LGU kaugnay sa naturang isyu./SJBM