Aklan News
AMA BINANTAAN ANG ASAWA’T ANAK GAMIT ANG .38 CALIBER PISTOL
DUMARAO, Capiz – Binantaan at tinakot ng isang ama ang sariling asawa’t anak gamit ang .38 caliber pistol, sa Brgy. Calapawan, dito kahapon nang umaga.
Ang suspek ay nakilalang si Ricky Dadivas Hallarsis, 47 taong gulang at nakatira sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon ng Dumarao Police Station, nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang suspek at ang kanyang asawang si Ma. Madelyn Candelario Hallarsis at ang kanyang anak na si Reysan Hallarsis.
Nang hindi patatalo ang suspek, kinuha nito sa loob ng kanilang bahay ang .38 na kalibre na armas at hinabol ang kanyang mag-ina sabay panakot sa kanila.
Humingi ng tulong ang mag-ina sa kanilang kapitan ng barangay na si Rene Diez na siya ring tumawag ng saklolo sa mga kapulisan sa bayan ng Dumarao.
Sa pagresponde ng mga kapulisan, kasama si Barangay Kagawad Rey Dela Cruz at barangay tanod Raymund Hibalo na nag-aresto sa suspek, nakuha sa kanya ang isang armas na .38 caliber at may dalawang live ammunition.
Matapos mabasahan ang suspek ng kanyang Constitutional rights ay agad itong dinala sa police station upang maproseso ang kaukulang demanda laban sa kanya.