Aklan News
Anak na mentally challenged, sinaksak ang sariling ina at amain habang natutulog
Duguan na isinugod sa ospital ang isang 64-anyos na babae at ang kanyang 55 anyos na kalive-in partner matapos pagsasaksakin ng anak na may problema sa pag-iisip sa Sitio Tugbungan, Brgy. Cawayan, New Washington.
Batay sa imbestigasyon ng New Washington PNP, mahimbing na natutulog ang mga biktima madaling araw kahapon nang bigla na lamang silang pinagsasaksak ng 46-anyos na suspek sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Sugat sa ulo at kaliwang braso ang tinamo ng amain habang ang babaeng biktima ay nagtamo naman ng tama sa kaliwang braso at tiyan.
Napag-alaman na 16 na taon na nanatili sa National Center for Mental Health sa Mandaluyong City ang suspek at kakalabas lang noong Abril 16 ng nakaraang taon.
Pansamantala munang ikinustodiya ang suspek sa New Washington PNP para maiwasan na makapanakit ng iba.
Sa halip naman na magsampa ng kaso sa anak, nakiusap ang mga biktima sa mga otoridad na tulungan sila na maipagamot at maibalik ang anak sa mental health facility.