Aklan News
BABAENG PUSHER UMANO NG SHABU, TIKLO SA BUY BUY BUST OPERATION


Sasampahan ngayong araw ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang itinuturing na drug pusher na naaresto sa buy bust operation sa Osmeña Avenue Extension, Estancia, Kalibo.
Sa nasabing entrapment operation ng Kalibo PNP, PDEU, PDEA Aklan, at CIDG, narekober mula sa suspek na si Rodelia Ventura alyas “Daday”, 43 anyos ng New Buswang, Kalibo ang isang sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng P7,000.00 na buy bust money.
Maliban dito, narekober din ang 6 pang sachet ng nasabing droga na laman ng mga medyas na nasa loob ng kartong padala na kinuha o pinik-ap nito sa bus terminal.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Rodelia, mariin nitong itinanggi ang akusasyon at iginiit na wala umano itong transaksyon kaugnay sa sinasabing pagbibenta nito ng ilegal na droga.
Sinabi rin ni Rodelia na hindi na niya inisip o pinagdudahan kahit may kalakihan ang bayad sa kanya para mag-pick up ng nasabing padala para lamang mairaos ang kanyang pamilya.