Aklan News
Babaeng sanggol, itinapon sa isang dumping site sa Kalibo
Isang pinaniniwalaang bagong silang na babaeng sanggol ang natagpuan wala nang buhay ng mga trabahador sa dumping site sa barangay Bakhaw Sur sa bayan ng Kalibo ngayong alas-9:00 ng umaga.
Ayon sa nakakita sa sanggol na si Gng.Editha Turnino, tumambad sa kanya ang naturang sanggol nang punitin niya ang isang garbage bag.
Nakita niya umanong nakataob ang sanggol at natatabunan ng mga basura.
Kaagad niya umanong tinawag ang kanyang kasama kung saan kinuha nila ito at ipinatong sa plastic.
“Gingisi ko abi ruyon nga garbage bag nga itom hay nakita ko nga nagakueob ruyon nga unga tapos gin-hoehawanan ko ag gintawag ko ro akong kaibahan ag naghambae ako nga ‘tan-awa abi makon, medyo unga ta ra. Kumpleto ta makon.’ Ginhawanan pa namon ay may mga kaibahan imaw nga basura, mga napkin ro anang kaibahan ag mga gwantes,” kwento nito sa Radyo Todo.
Aniya pa, wala silang ideya kung saan nagmula ang sanggol dahil kasama ito ng mga nakolektang basura na itinapon lamang sa dumping site.
Naniniwala si Turnino na buhay pa ang bata bago itinapon sa basurahan dahil kumpleto pa aniya ang katawan nito at nakakabit pa ang pusod at inunan.
Kaagad naman nila itong ipinagbigay-alam sa mga otoridad kung saan nagsasagawa na ngayon nga imbestigasyon ang Kalibo PNP station.