Connect with us

Aklan News

BAGONG KALIBO PUBLIC MARKET, PLANONG GAWING TOURISM LANDMARK

Published

on

Photo| MDRRMO Kalibo

Kalibo, Aklan – Planong gawing tourism landmark ng lokal na pamahalaan ang bagong Kalibo Public Market para mas mapasigla ang turismo sa lugar.

Sinabi ni Kalibo SB member Philip Yerro Kimpo na may tatlong rason ang mga dayuhan sa pagpili ng kanilang tinitirahang hotel sa Kalibo, una na rito ay dahil malapit sa airport, malapit sa plaza at malapit sa tindahan na bilihan ng pasalubong.

Ito aniya ang dahilan kaya kailangan maganda at presentable ang bagong pamilihan dahil isa ito sa mga lugar na tiyak na pinupuntahan ng mga turista.

Isa sa mga nais nito ay lagyan ang pamilihan ng mga disenyong hango o nagpapakita ng mayamang kultura ng Aklan lalo na ang Ati-atihan Festival para makilala sa buong mundo.

Naging inspirasyon ni Kimpo, ang Maramag Public Market na tinaguriang “Cleanest Wet Market in the Philippines” na makikita sa Bukidnon.

Sumikat ito matapos mag-upload sa social media ang isang turista ng mga litratong nagpapakita ng kalinisan ng tindahan.

Naniniwala ang konsehal na malaki ang tsansa na magagawa rin ito sa Aklan lalo na sa tulong ng Architect Association of The Philippines at Aklan Historical Society.

Magugunitang nilamon ng apoy ang Kalibo Public Market noong Setyembre 15, 2019.

Iginiit ni Kimpo na ito ang perpektong oportunidad para mailikha ang mas maayos, malinis at magandang pamilihan na maipagmamalaki ng mga taga Aklan.