Aklan News
BAGONG MUKHA NG KALIBO PUBLIC MARKET HINDI MATUTULOY SA SUSUNOD NA ADMINISTRASYON?
MAAARING hindi matuloy sa susunod na administrasyon ang planong pagkakaroon ng bagong mukha para sa Kalibo Public Market.
Ayon kay Pook Barangay Captain at Liga ng Barangay Presidente Ronald Marte, isa sa mga plano ng bagong administrasyon sa panunungkulan ni Mayor-elect Juris Sucro na ayusin ang kalagayan ng Kalibo Public Market.
Paglilinaw ni Marte, isasailalim lamang sa rehabilitasyon ang naturang public market upang magamit na ito ng mga vendors at negosyante na nabiktima ng nangyaring sunog noong 2019.
Pagtitiyak pa ng opisyal na pagagandahin nila ang harapan ng kasalukuyang public market gayundin na sisiguraduhing maayos at malinis ang loob ng merkado.
Aniya pa, magpapatayo sila ng bago at modernong merkado publiko subalit hindi sa kasalukuyang kinalalagyan nito.
Maghahanap ayon kay Marte ang lokal na pamahalaan ng Kalibo ng lote na pagtatayuan ng bago at modernong merkado publiko na maykabuuang sukat na dalawa o tatlong ektarya.
Layunin nitong makaakit ng mga bagong investors na pumasok sa bayan ng Kalibo na magbibigay-daan patungo sa pag-unlad.
Giit pa ni Marte, hindi puwedeng sa iisang lugar lamang isisiksik ang mga development ng Kalibo dahil mayroon pang ibang lugar na may potensiyal para sa economic development.